NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Naliligo sa sariling dugo at wala ng buhay nang matagpuan ang 74-anyos na lola matapos barilin ng umano’y mga hinihinalang rebeldeng New People’s Army (NPA), iniulat kahapon sa Kabankalan City.
Kinilala ang biktimang si Leonora Anguit, at residente ng Purok Halimbawa, Barangay Tapi, Kabankalan.
Batay sa report ng Kabankalan Police Station, bandang 8:00 PM naganap ang krimen sa labas ng bahay ng nakatatandang kapatid ng biktima sa nabanggit na lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang mga armadong suspek sa bahay ng biktima at naabutan ng mga ito ang kanyang asawa.
Itinuro ng mister ang kanyang misis sa bahay ng nakatatandang kapatid ilang metro ang layo sa kanilang bahay.
Kwento ng ate ng biktima, nanonood sila ng telebisyon nang dumating ang mga armadong suspek saka hinila ang kanyang kapatid palabas ng bahay.
Aniya, sinundan niya ang mga ito palabas subalit pinapasok siya ng mga suspek at isinara ang pinto saka sinabihan na huwag itong lalabas.
Kinaumagahan, nakita na lamang nila ang duguan bangkay ng kapatid at may tama ng bala ng baril sa ulo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dating nakatira ang biktima sa Purok Maghirupay, at pinagkukutaan ng rebeldeng grupo ang bahay nito.
Noong Abril 2025, nagkaroon ng engkwentro na nagresulta sa pagkamatay ng pitong rebelde.
Tinulungan ng lokal na pamahalaan si Anguit at kanyang asawa na tayuan ng bahay malapit sa kapatid nito.
Sa ngayon nagpapatuloy ang ginagawang masusing imbestigasyon ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen o posibleng pinagbintangan ng mga rebeldeng grupo si Anguit na may kinalaman sa pagkamatay ng 7 rebelde. /Mary Anne Sapico