CAGAYAN DE ORO, Philippines – Nasawi ang isang pamilyang may apat na miyembro matapos matabunan ng landslide ang kanilang bahay sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental habang nananalasa ang Tropical Storm “Basyang,” ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Biyernes, Pebrero 6.
Ayon kay CDRRMO Regional Director Antonio Sugarol, dalawang matatanda at dalawang bata ang biktima. Ang kanilang bagong tayong bahay sa Zone-1 Sambulawan, Gabule Compound, Barangay Agusan ay natabunan ng bunton ng lupa at excavated soil. Naiulat ang insidente sa pulisya bandang 12:01 a.m.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nag-landfall si Basyang sa Bayabas, Surigao del Sur bandang 11:50 p.m. noong Pebrero 6. Ang Bayabas ay humigit-kumulang 124 kilometro ang layo mula Barangay Agusan, Cagayan de Oro City.
Sa ngayon, 1,848 pamilya o 6,152 katao ang apektado sa 21 barangay sa Caraga (Region 13). Kabilang dito ang mga lugar sa Surigao City, Surigao del Norte, at ang mga bayan ng Bayabas, Cortes, Hinatuan, Lingig, at Tandag City sa Surigao del Sur.
Dahil sa bagyo, 1,710 pamilya o 5,847 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 37 evacuation centers, habang 101 pamilya o 268 katao ang nakitira muna sa mga kamag-anak o kaibigan. Nagsagawa rin ng pre-emptive evacuation ang mga lokal na pamahalaan para sa 2,198 pamilya o 6,954 indibidwal sa Regions 13 at 7 (Central Visayas) bago pa lumakas ang bagyo.
Ayon sa NDRRMC, nagkaroon ng power interruption sa tatlong lungsod at bayan sa Agusan del Norte at Surigao del Sur.
Naantala rin ang sea travel matapos isara ang 41 pantalan, dahilan upang 2,024 pasahero at 907 rolling cargoes ang ma-stranded sa Regions 13, 7, at 6 (Western Visayas). Kabilang sa mga apektadong probinsya ang Antique, Capiz, Aklan, Iloilo, Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor, Agusan del Norte, Butuan, at Surigao del Norte.
Sinuspinde rin ang klase sa 239 lungsod at munisipalidad sa Regions 6, 7, 13, at Negros Island Region (NIR), kabilang ang Capiz, Antique, Guimaras, Iloilo, Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor, Cebu, Bohol, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Butuan City, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.
Ipinatigil din ang trabaho sa 64 munisipalidad sa Regions 7 at 13, partikular sa Bohol, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Butuan City, at Surigao del Sur. RNT/MND