MANILA, Philippines – Naghain si Senator Jinggoy Ejercito Estrada ng panukalang batas na layong gawing mas madali ang pagboto ng mga Pilipinong nasa vulnerable na kalagayan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng local absentee voting at pagpapabuti ng mga polling facility sa buong bansa.
Sa Senate Bill No. 1075, iminungkahi ni Estrada ang mga alternatibong paraan ng pagboto para sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), buntis, internally displaced persons (IDPs), mga health worker na naka-duty, at mga umuuwing overseas Filipino workers, kabilang ang pagboto bago ang araw ng halalan o sa mga espesyal na accessible na lugar.
“It is the right of every Filipino, unless disqualified by law, to vote. This right is not lost due to physical infirmity, age, or life situation,” ayon kay Estrada.
Binanggit niya na kahit pinahihintulutan na ng Republic Act No. 10366 ang Comelec na magtayo ng polling places para sa senior citizens at PWDs, marami pa rin ang hindi nakakaboto. Sa 2019 elections, halos tatlong porsiyento lamang ng mahigit walong milyong rehistradong senior citizen voters ang nakaboto.
“The unfortunate low turnout underscores the urgency of strengthening the law to truly ensure accessible polling places,” diin ng senador.
Sa ilalim ng panukala, maaaring bumoto ang mga kwalipikadong botante mula sa vulnerable sectors sa loob ng dalawang araw bago ang Election Day, sa mga accessible na lugar na itatalaga ng Comelec. Pinapayagan din ang pagtatayo ng Emergency Accessible Polling Places sa mga bahay, ospital, quarantine facilities, kulungan, IDP areas, at iba pang lugar na mahirap puntahan ang regular na presinto.
Kasama rin sa panukala ang mas malinaw na pamantayan para sa accessibility tulad ng ramps, railings, wheelchair, sapat na ilaw at bentilasyon, listahan ng kandidato sa Braille, at sign language interpreters, pati transportasyon o shuttle service para sa mga botante.
Iminumungkahi rin ang paglikha ng Vulnerable Sectors Office sa loob ng Comelec.
“This is about dignity and equal participation. Voting is a right, not a privilege,” ani Estrada.
“No Filipino should be denied a voice in choosing our leaders simply because voting was made physically or logistically difficult for them,” dagdag niya. RNT/MND