MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na umabot na sa 84 pantalan sa bansa ang apektado ng epekto ng bagyong Basyang.
Sa pinakahuling maritime safety advisory ng PCG, kabuuang 5,835 mga pasahero, drivers, at cargo helpers, 2,288 rolling cargoes, 131 vessels, at 7 motorbancas ang nananatiling stranded sa ibat-ibang pantalan sa buong bansa.
Samantala nasa 264 vessels at 47 motorbancas pa ang nakatago o nakisilong sa ligtas na lugar bilang precautionary measure laban sa masamang epekto ng matinding sama ng panahon dulot ng bagyong Basyang.
Nanatili namang nakabantay ang PCG sa lagay ng panahon at sitwasyon sa karagatan na apektado ng bagyo.
Partikular na apektado ng bagyo ang ilang bahagi sa Northeastern Mindanao, South Western Mindanao, Bicol, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Central Visayas, Western Visayas, Palawan at Southern Tagalog. Jocelyn Tabangcura-Domenden