BULACAN, Philippines – Kinumpirma ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) nitong Biyernes na tatlo sa apat na suspek na inaresto sa pagpatay kay Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr. ay nagpositibo sa ilegal na droga.
Ayon kay Bulacan provincial director Police Colonel Angel Garcillano, isinailalim sa drug testing ng police forensic group ang mga suspek. Tanging si Police Corporal Vivencio Abalos — na nadawit sa kaso dahil sa hindi agarang pag-uulat ng insidente — ang nagnegatibo sa droga.
Sinabi ni Garcillano na posibleng may kaugnayan sa anti-illegal drug operations at mga nagawa ni Casauay laban sa grupo ang motibo ng krimen.
Aniya, ito ay suportado ng affidavit ng pangunahing suspek at police asset na si Julian Salamat, na inaresto noong Miyerkules.
“It is all about the actions and the accomplishment of PSSg. Casauay doon sa kanilang drug trade. Even the other suspects na nagbigay ng kanilang extrajudicial confession, inaamin nila na masakit sa mata ‘yung mga intelligence activities ng ating victim,” ani Garcillano.
“So we are looking at possibility na itong pagpatay ay walang ibang motibo kundi job-related.”
Sasailalim din sa drug testing sina Salamat at ang dalawa pang suspek na kamakailan ay sumuko. Batay sa monitoring ng pulisya, palipat-lipat umano ng lugar si Salamat hanggang makarating sa Tagum City, Davao del Norte bago maaresto.
Naniniwala ang mga awtoridad na tinangka ni Salamat na umiwas sa pag-aresto dahil dala niya ang kanyang pasaporte nang mahuli.
Narekober na rin ang baril na umano’y ginamit ni Salamat at isasailalim ito sa ballistics examination.
Sa ngayon, pito na ang nasa kustodiya ng pulisya habang apat pa ang pinaghahanap, kabilang ang isang mamamahayag na ang pagkakadawit ay tinuligsa na ng isang media organization.
Iginiit ng mga imbestigador na binanggit ang mamamahayag at ang kanyang anak sa extrajudicial confessions ng mga naunang naaresto.
“Pinuntahan nila ‘yung tatay, kasama ‘yung anak… and according to him is tanggalin doon kasi mangangamoy,” ani Garcillano, na sinabing ito ang naging batayan ng posibleng pakikilahok bilang accomplice sa krimen. RNT/MND