MANILA, Philippines – Nagbabala noong Biyernes si maritime law expert Atty. Jay Batongbacal na pinahihina ng mga pahayag ni Senator Rodante Marcoleta tungkol sa West Philippine Sea (WPS) ang posisyon ng Pilipinas at pinapalakas ang mga claim ng China.
Sa isang Committee on Appointments hearing kamakailan, sinabi ni Marcoleta na dapat isuko ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group (KIG) sa Palawan dahil umano ang ilang bahagi nito ay “way beyond” ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Tinawag ni Batongbacal na “unacceptable” at banta sa pambansang seguridad ang mga pahayag ng senador.
“Certainly, it’s unacceptable for a senator of the republic to suggest even that we simply give up any portion of the national territory just on his say-so,” ani Batongbacal, at iginiit na ang mga usapin sa soberanya ay dapat dinadaan sa diplomasya at pasya ng pinakamataas na antas ng gobyerno na may pahintulot ng mamamayan.
Ayon sa eksperto, ipinapakita ng mga pahayag ni Marcoleta ang kakulangan nito sa kaalaman sa international law.
Ipinaliwanag niya na ang maritime zones ay nagmumula sa lupain, at hindi kabaliktaran.
Dahil dito, aniya, direktang pinahihina ni Marcoleta ang legal na paninindigan ng Pilipinas at tinutulungan ang kabilang panig, partikular ang China.
“What he is doing is directly undermining the position of the Philippines, and strengthening and reinforcing the position of the other side,” giit ni Batongbacal, at idinagdag na ang ganitong mga pahayag ay maaaring gamitin laban sa bansa sa mga negosasyon o paglilitis sa hinaharap.
“Ignorance is not an excuse because he’s a senator of the republic,” aniya.
Binigyang-diin din ni Batongbacal na matagal nang kinikilala sa batas ang EEZ ng Pilipinas, mula pa noong 1978 at pinalakas ng Saligang Batas ng 1987 at mga umiiral na batas, kabilang ang Philippine Maritime Zones Act.
Nagbabala rin siya na ang pagsuko sa KIG ay maglalantad sa kanlurang baybayin ng bansa at magpapahina sa seguridad.
“You give them an inch; they will take an arm,” ani Batongbacal, patungkol sa posibleng mas malawak pang pag-angkin ng China.
Samantala, mariing tumutol ang mga opisyal ng Munisipalidad ng Kalayaan sa pahayag ni Marcoleta.
Ayon kay Vice Mayor Maurice Phillip Alexis Albayda, sila ay “[We are] Offended [and] insulted para sa aming magigiting na mamamayan,” at plano nilang magsumite ng resolusyon upang ipabura ang pahayag ng senador sa opisyal na rekord ng Senado.
Ang Kalayaan ang tanging munisipalidad ng Pilipinas sa West Philippine Sea, na ang sentro ay Pag-asa Island kung saan iginiit ng bansa ang soberanya nito.
Nilinaw naman ng lokal na pamahalaan na wala silang planong ideklarang persona non grata si Marcoleta dahil isa pa rin itong halal na opisyal. RNT/MND