Home NATIONWIDE PH, US air forces nagdaos ng serye ng mga drill sa Luzon

PH, US air forces nagdaos ng serye ng mga drill sa Luzon

242
0
Photo courtesy of PAF

MANILA, Philippines — Nagdaos ng serye ng pinagsamang air exercises ang Philippine Air Force (PAF) at United States Pacific Air Forces (PACAF) mula Pebrero 2 hanggang 6 sa iba’t ibang bahagi ng Luzon upang higit pang paigtingin ang interoperability at kooperasyon ng dalawang hukbong panghimpapawid.

Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Christina Basco, tampok sa bilateral engagement ang mga coordinated air activities na layong palakasin ang kakayahan sa joint operations ng Pilipinas at Estados Unidos.

Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang bilateral bomber air patrol at live drop exercise na isinagawa mula sa Col. Ernesto Rabina Air Base sa Tarlac City at sa himpapawid ng West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng Luzon Strait.

Noong Pebrero 2, isinagawa ang live drop exercise na nilahukan ng dalawang PAF FA-50PH fighter jets at dalawang US B-52 bomber aircraft. Sinundan ito ng air defense exercise noong Pebrero 4 sa WPS na nakatuon sa airspace coordination, command-and-control integration, at joint operational response.

Noong Pebrero 6, nagtapos ang serye ng mga aktibidad sa isang joint bomber air patrol sa WPS at Luzon Strait, na nagpakita ng pinagsamang mission planning, airspace coordination, at operational readiness ng magkabilang panig.

Ayon sa PAF, ang mga ehersisyong ito ay nagpalakas sa kahandaan ng dalawang puwersa at sa kakayahan ng Pilipinas na ipagtanggol ang pambansang himpapawid at igiit ang soberanya ng bansa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here