MANILA, Philippines – Aabot sa 467,000 indibidwal o 132,000 pamilya mula sa 850 barangay sa Visayas at Mindanao ang naapektuhan ng bagyong Basyang, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo.
Sinabi ni OCD spokesperson Junie Castillo na batay ito sa 6 a.m. data ng ahensya. Naitala rin ang 12 nasawi, na isinusuri pa.
Ayon sa OCD, apat sa mga nasawi ay dahil sa landslide sa Cagayan de Oro City, habang ang iba ay nalunod. Sa Iligan City, limang katao ang iniulat na namatay. Sa kasalukuyan, humupa na ang baha at isinasagawa ang clearing operations.
Naitala rin ang 445 nasirang bahay, kung saan 38 ang totally damaged at 407 ang partially damaged. Dagdag ni Castillo, hindi pa consolidated ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at agrikultura.
Samantala, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na may isang tulay at isang hindi pa tapos na flood control project ang nasira dahil sa bagyo.
“’Yung sa tulay, nagpa-mobilize na tayo ng mga bakal para ma-reinforce ang bridge na medyo na-damage,” ani Dizon.
“’Yung flood control structure, kailangan ma-repair ng kontratista kasi hindi pa tapos ‘yan… Tuloy-tuloy lang tayo. Round the clock tayo sa pag-aayos,” dagdag pa niya.
“Mabigat talaga ang pinsalang dinala nitong bagyong Basyang… Ang first objective natin, kailangan ma-clear natin ang lahat ng mga major na road kasi kailangang makadaan ang relief goods papunta sa mga taong tinamaan ng Basyang,” ayon kay Dizon.
Para sa tulong, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakapagpadala na ito ng mahigit 66,000 family food packs at mahigit 6,000 ready-to-eat food sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng Basyang.
Ipinadala ang relief goods sa Bicol Region, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at CARAGA, bilang tugon sa hiling ng mga lokal na pamahalaan. RNT/MND