Home OPINION GIYERANG US-IRAN AT MILYONG OFW

GIYERANG US-IRAN AT MILYONG OFW

219
0

ILAN ba ang mga Filipino na maaaring madamay sa giyera sa pagitan ng United States/Israel at Iran?

Nagtatanong tayo, mga Bro, dahil napakalaki ang bilang nila at tiyak na mahihirapan ang ating pamahalaan sa pagliligtas sa kanila sakaling matuloy nga ang nasabing giyera.

Nag-aalala rin tayo na mukhang higit na pinagtutuunan ng pansin ng ating mga pinuno ang kanilang mga bangayan o agawan sa kapangyarihan kaysa maghanda na nang lubusan ukol sa giyera.

Nang nagkagiyera ang mga bansang ito noong Hunyo 2025, ilang libo lang ang nakayanan ng ating pamahalaan na bantayan at iligtas sa mga mapanganib na lugar.

Ngayon naman, lumalabas na mas malawak ang sasakupin ng giyera dahil sa banta ng Iran na bobombahin nito ang lahat ng base militar ng US sa gitnang Silangan.

‘Yun bang === hindi na lang ang mga nasa Israel, Lebanon at Iran na Pinoy ang madadamay kundi ang mga nasa bansang Qatar, Saudi Arabia at iba pa.

Dahil dito, sobrang bigat ang papasanin ng pamahalaan para sa pagliligtas dahil sa rami at lawak ng mga lugar na may mga kababayan nating maaapektuhan.

Pinakamalaking tanong: Nasaan ang paghahanda ng pamahalaan sa usapin ng pondo, tauhan, gamit at iba pa na kailangan para sa pagliligtas?

PALATANDAAN NG GIYERA

Heto ang ilang mahalagang palatandaan ng giyera.

Una, pinauuwi na ng US ang lahat ng Kano na nasa Iran.

Ikalawa, iniipon ng US at Israel ang lahat ng mga pwersa at bansa na makasasama nila sa giyera, kabilang ang Britanya na nagpadala na ng mga pwersa militar nila sa Cyprus.

Ikatlo, patuloy ang US sa pagdaragdag ng mga pwersa nila sa mga karagatan at kalupaan para sa malakas na atake, kabilang na ang paglilipat ng mga eroplanong pandigma mula sa Qatar patungong Jordan para lumapit ang mga ito sa Iran habang nasa malapit lang ang aircraft carrier na USS Abraham Lincoln sa karagatan ng Oman.

Ikaapat, mayroon nang mga pambobomba ang Kano sa ilang lugar sa paligid ng Iran, gaya ng sa Bandar Abbas at Ahvaz port.

Ikalima, armado umano ng US at Israel ang mga kasama sa mga nagpoprotesta na nagsisilbing tumbador sa mga pulis at sundalo at ilang sibilyan sa Iran at tagasira ng mga sasakyan, gusali at iba pa.

Ikaanim, at pinakamatindi, kapag hindi sumang-ayon ang Iran sa kahilingan ng US at Israel na itigil ng Iran ang pagproseso ng uranium para sa paggawa ng bombang nukleyar at mga missile na malalakas laban sa Israel at mga pwersa ng US, anomang araw aatake na ang US, Israel at Britain.

MILYONG OFW

Heto naman ang mga madadamay ng overseas Filipino worker at ibang mga Pinoy.

May 30,000 OFW sa Israel, 11,000 sa Lebanon, 38,000-41,000 sa Jordan, 260,000 sa Qatar, 900,000 sa Saudi Arabia at iba pa.

Mahigit milyon, mga Bro, ang posibleng madamay at malaking trabaho ang pagliligtas sa mga ito gaya ng paglilipat ng mga ito sa mga ligtas na lugar o kaya’y pagpapauwi sa Pilipinas.

Nasaan na nga ang mga paghahanda ng gobyernong Marcos sa mga Pinoy na nanganganib ngayon sa giyera?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here