2026 pa lamang ngunit sa mga balita sa social media at mainstream media ay may ilang pangalang lumulutang na para sa halalang nasyonal sa 2028.
Ayon sa political analyst na si Ronald Llamas ay hindi maikakailang malakas pa rin si VP Sara Duterte at dahil pangalawang pangulo siya ay isang hakbang na lang mula sa kanyang posisyon ang pagiging pangulo ng bansa.
Sa oposisyon, pahayag ni Senate Deputy Majority Leader Senator Risa Hontiveros nang tanungin siya ng media kung kakandidato sa pagkapangulo ay nagwika siyang bukas sa posibleng pagkandidato kung siya ang mapagkakaisahan ng mga kasamahang kakampink, dilawan at progresibong grupo na bumubuo ng kanilang kampo.
Nauna ng nagpahayag sina dating VP at ngayo’y Mayor Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan na wala silang planong kumandidato sa mas mataas na posisyon kaya hindi na sila kasama sa pagpipilian ng mga kakampink, dilawan at progresibong grupo. Tanging sina Senator Risa Hontiveros at Senator Bam Aquino na lamang ang pagpipilian nila.
Sa hanay naman ng administrasyon, si DILG Secretary Jonvic Remulla ang lumalabas na pangalan sa publiko, nang tanungin siya ng media kung tatakbo ay nagpahayag ito na kakandidato siya kung may endorsement ni Pangulong Bongbong Marcos.
Samantala, ayon pa kay Llamas, kung dalawa o higit pa ang kandidato laban kay VP Sara malamang na ito pa rin ang mananalo. Kinakailangan, aniya, na maging one on one o isa lamang mula sa administrasyon at oposisyon ang ilaban kay VP Sara para matalo ito.
Ito ngayon ang pinagsusumikapan ni dating Senador Antonio Trillanes ang mapagkaisa ang administrasyon at oposisyon na pagsamahin ang kanilang mga ilalaban bilang tandem na lamang na panlaban kay VP Sara. (Kung si Trillanes ba ang ilalaban kay Sara, may panalo ba siya? – Ed)
Habang papalapit ang 2028 mula ngayong taong ito ng 2026 ay nakatutok na ang mata ng sambayanan sa marami pang posibleng maganap kaugnay sa halalang pampanguluhan sapagkat dito nakasalalay ang kinabukasan ng ating bansa. Kaabang-abang!






