MANILA, Philippines – Sinabi ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na sisilipin niya ang detalye ng iniulat na P1.3 bilyong budget insertion para sa kanyang distrito sa House-approved 2027 national budget.
Ayon sa People’s Budget Coalition, kabilang umano ang distrito ni Luistro sa nakatanggap ng pinakamalaking alokasyon para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni Luistro na interesado siyang malaman kung saan nanggaling at kung ano ang detalye ng naturang insertion dahil hindi umano siya nakilahok sa budget process bunsod ng kanyang tungkulin sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Si Luistro ang lead House prosecutor sa impeachment proceedings laban sa Bise Presidente.
Gayunman, sinabi ng mambabatas na hindi rin umano makita ng DPWH district engineering office sa kanyang lugar ang tinutukoy na P1.3 bilyong insertion.
Batay sa kanyang pagkakaunawa, sinabi ni Luistro na ang mga nakasaad sa National Expenditure Program na inihanda ng Department of Budget and Management ay siya ring lumabas sa General Appropriations Bill na ipinasa ng Kamara.
Tiniyak niyang muli niyang susuriin ang budget documents upang matukoy ang detalye ng sinasabing insertion. RNT