MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga bus operator na tanging age-appropriate films at video content lamang ang ipalabas sa mga pasahero ngayong Undas.
Nagsagawa na ang MTRCB ng spot inspections sa mga transport terminal sa Metro Manila kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga biyaherong uuwi sa probinsya para sa All Saints’ Day.
Ayon kay MTRCB chairperson at CEO Lala Sotto, mahalagang matiyak na ang mga palabas sa mga bus ay angkop para sa mga batang pasahero.
Sa ilalim ng MTRCB Memorandum Circular No. 03-2024, tanging mga pelikula at trailer na may General Audience (G) o Parental Guidance (PG) classification ang maaaring ipalabas sa public utility vehicles.
Sakop ng patakaran ang mga jeepney, bus, van, rail transport, taxi, passenger ship, ferry boat at commercial airplane.
Ang G-rated content ay angkop para sa lahat ng edad, habang ang PG-rated content ay nangangailangan ng paggabay ng magulang o guardian para sa mas batang manonood.
Sa inspeksyon, pinaalalahanan din ang mga driver at operator na tiyaking sumusunod sa tamang classification ang lahat ng content na ipalalabas sa kanilang mga pasahero.
Magpapatuloy ang inspection at information campaign hanggang Oktubre 29 sa mga transport hub sa Muntinlupa, Las Piñas, Pasay, Parañaque, Quezon City, Taguig, Manila, Caloocan, Valenzuela at Bocaue, Bulacan. Dave Medina