NAGING sentro pala ng paksa ni Zambales Gov. Hermogenes Ebdane, Jr sa kanyang State of the Provincial Address ang malaking pakinabang sa dredging at quarrying sa lalawigan.
Sabi ng Gobernador, malaking tulong sa mamamayan ng buong lalawigan ang patuloy na dredging at quarrying sa kabila nang pagtutol at pagbatikos dito, hindi lang ng mga residente, kundi maging ng mga environmental group na nangangamba sa anila ay delubyong idudulot nito sa lalawigan.
Pero sabi ni Ebdane, ito ang pangunahing pinagmumulan ng kita ng lalawigan para matustusan ang mga programa at proyektong pakikinabangan ng mga mamamayan, lalo na ng mga mangingisda at magsasaka, bukod sa malaking bahagi ng pondo ng lalawigan ay nagmumula rito.
Sa katunayan, ayon sa gobernador, dito galing ang pinantustos ng pamahalaang panlalawigan sa pamamahagi ng mga makinaryang gamit ng mga magsasaka, mga pataba, at binhi, at dito rin galing ang mga bangkang pangisda, kagamitang pangisda na ipinamahagi ng libre, pati na ang proyektong daungan ng mga mangingisda at marami pang ibang programa.
Pero sabi ng mga residente at environmental group, band-aid solution lang daw ito na ang kapalit ay delubyo sa maraming residente sa panahong mahagip ng sunod-sunod na bagyo ang lalawigan na hindi naman malayo dahil sa lawak ng karagatang sakop ng Zambales.
Inihalimbawa pa nga nila ang pagkabunot ng 300 puno ng Agoho sa dalampasigan ng San Felipe na nagsisilbing panangga sana sa daluyong at malakas na hanging dala ng dumaang mga bagyo.
Ang nangyari tuloy, gumuho raw sa baybayin kaya hirap lalo ang mga mangingisda na makahuli ng isda na kanilang sinisi sa patuloy na dredging.
Paniwala pa ng mga environment group na kapag hindi natigil ang dredging at quarrying sa Zambales, wala ng mamanahing maayos na kalikasan ang mga susunod na henerasyon kundi ang patay na sistemang pang-ekolohikal na lang ang matitira sa kanila.
Minaliit din ng grupo ang ipinagmamalaking pag-unlad ng ekonomiya ng lalawigan na anila ay nagmula naman sa pagkawasak ng kalikasan at karapatan ng kapakanan ng komunidad.
Kayo, mga readers, sino sa palagay ninyo ang nasa katuwiran? Si Gov. Ebdane ba na nais umunlad ang lalawigan sa pamamagitan ng patuloy na dredging at quarrying o mga residente at environmental group na naniniwalang mawawasak, hindi lang ang kalikasan, kundi ang kinabukasan ng mamamayan ng Zambales?
Kung tutuusin, hindi naman talaga masama ang pag-unlad ng isang lalawigan lalo na Zambales na kahit napakayaman sa kalikasan at bantog sa magagandang resort at dalampasigan ay nananatiling iisa pa rin ang lungsod at ito nga ay ang Olongapo habang 13 ang mga munisipalidad.
Hindi naman siguro maluluklok nang matagal sa pwesto si Ebdane kung walang nakikitang liwanag ng pag-unlad ng lalawigan ang kanyang mga nasasakupan. Sa katunayan, mula taong 2010 hanggang nitong mid-term election ng 2025, inihalal ng mga mamamayan ng Zambales ang gobernador para sa huli niyang termino.






