MANILA, Philippines – Nananatiling bukas sa pagtakbo bilang presidente o maging bise presidente sa 2028 si Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros kung mapagkakasunduan ito ng united opposition.
Sa press conference, iginiit ni Hontiveros na handa siyang tanggapin ang anumang atas upang magkaroon ng united opposition na may malalakas na kandidato para sa 2028 elections.
“I remain open, I remain willing and ‘yung kondisyon ko ay ‘yung tulad nung matagal ko na rin sinasabi—kung piliin ng united opposition,” aniya.
“Kasi ayun din ang sinasabi ko rin nang matagal na kailangan ng oposisyon, kung lalaban kami sa 2028, ‘yun ang intention at desire ko na lalaban kami sa 2028, na mag-alok sa ating mamamayan ng pinakamalakas at credible na kandidato,” dagdag pa nito.
Nang tanungin kung ikinokonsidera pa rin si dating vice president at incumbent Naga City Mayor Leni Robredo bilang standard bearer ng oposisyon para sa 2028 national polls, sinabi ni Hontiveros na hindi mahalaga ang mga pangalan sa pagkakataong ito basta’t nagkakaisa ang oposisyon.
Pag-iisipan din aniya ng kanilang kampo ang posibilidad ng pakikipag-ugnayan sa kanila ng pro-Marcos groups.
“If ever lumapit, yun yung magiging subject ng matinding pag-iisip at pag-uusap sa hanay namin kasi nga, because of the very different histories,” ani Hontiveros.
“Pero for anyone, hindi lang sila, other groups na sa labas ng Kakampinks o sa labas ng hanay ng oposisyon, syempre ‘yung magiging basis ng any possibility ng pag-uunite ay ‘yun, ‘yung enough common values,” pagpapatuloy nito. RNT/JGC