Home NATIONWIDE Tinio: May ‘records of comms’ na patunay na alam ni Marcos ang...

Tinio: May ‘records of comms’ na patunay na alam ni Marcos ang insertions, kickbacks

165
0

MANILA, Philippines — Iginiit ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio nitong Martes, Pebrero 10, na personal umanong may kaalaman at partisipasyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa umano’y anomalous budget insertions at kickbacks, batay sa mga “records of communications” na aniya’y kanyang nakita.

Sa talumpati ni Tinio sa plenaryo ng Kamara, sinabi niyang “hindi totoo” na kulang sa ebidensya ang impeachment complaint na inihain ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) laban sa Pangulo at inendorso ng Makabayan bloc.

“May ebidensya sa lahat ng alegasyon—kasama na ang direktang partisipasyon at pakinabang ng Pangulo sa korapsyon sa flood control projects sa pamamagitan ng insertions at kickbacks,” ani Tinio.

Ayon sa mambabatas, nakita niya ang mga komunikasyon umano sa pagitan ni Presidential Legislative Liaison Officer Adrian Bersamin at ni Marcos mula Disyembre 2024 hanggang Hulyo 2025, na detalyado kung saan napunta ang umano’y bilyong pisong kickbacks.

Isa umanong mensahe noong Marso 24, 2025 ang nag-ulat ng P8 bilyong “delivery” mula kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, na may kumpirmasyon pa umano mula sa Pangulo.

“Included dito ang breakdown kung paano ginastos ang P8 bilyon—para sa mga kandidatong sinuportahan ng Pangulo, TV ads, P6 milyon para sa foreign pollster, at P68 milyon bilang talent fee sa campaign performer,” saad ni Tinio.

Dagdag pa niya, noong Hulyo 10, 2025 ay iniulat umano ni Bersamin ang isa pang P2 bilyong delivery sa Narra residence sa Forbes Park, Makati City, na sinagot umano ng Pangulo ng, “I will tell Jun Baris.”

Sinabi ni Tinio na ang mga dokumento ay nasa pangangalaga umano ni Batangas Rep. Leandro Leviste, na kasalukuyang nasa ibang bansa matapos maglabas ng bahagi ng tinaguriang “Cabral files.” Mayroon din umanong ibang opisyal ng lokal na pamahalaan na may kopya ng mga ebidensya.

Ayon kay Tinio, hindi na mailalantad ang mga ebidensyang ito matapos ibasura sa committee level ang impeachment complaint dahil umano sa kakulangan sa substance.

“Paano tayo uusad kung walang pananagutan? Ang pag-move on na walang accountability ay hindi healing—ito ay impunity,” giit niya.

Samantala, inanunsyo ng Makabayan bloc ang planong pagkilos sa Pebrero 25, 2026, kasabay ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, upang igiit ang pananagutan at “bawiin ang diwa ng people power.” RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here