Home NATIONWIDE Nagtago ng pitong taon, ex-rebel tiklo sa pagpatay ng opisyal ng barangay...

Nagtago ng pitong taon, ex-rebel tiklo sa pagpatay ng opisyal ng barangay sa Negros

165
0

MANILA, Philippines — Arestado ang dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na pitong taon umanong nagtatago matapos masangkot sa pagpatay sa isang opisyal ng barangay sa Negros Oriental.

Ayon kay Negros Oriental Police Provincial Office spokesperson Capt. Stephen Polinar, dinakip ang 29-anyos na suspek sa bisa ng warrant of arrest sa Sitio Loho, Barangay Nalundan, Bindoy noong Lunes ng hapon.

Ang kaso ay murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code na isang non-bailable offense.

Sinabi ni Polinar na ang suspek ay dating kasapi ng Central Negros 2 Guerrilla Front ng Komiteng Rehiyon–Negros Cebu Bohol Siquijor ng communist terrorist group.

Batay sa imbestigasyon, binaril at napatay umano ng suspek si Reynaldo Loqueloque, miyembro ng Barangay Intelligence Network at barangay tanod, noong Pebrero 2019 sa labas mismo ng kanyang bahay.

Sa ulat ng pulisya, tinatayang nasa 40 armadong lalaki na nagpakilalang mga miyembro ng NPA ang pumasok sa bahay ng biktima, kinaladkad ito palabas, at saka pinagbabaril.

Ayon sa militar, nadismantle na ang lahat ng guerrilla fronts sa Negros Oriental ngunit may ilan pang natitirang rebelde sa lalawigan.

Ang suspek ay nakatala bilang No. 4 Most Wanted Person sa antas rehiyonal at panlalawigan ng Negros Island Region, at No. 2 sa antas munisipal. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here