MANILA, Philippines – Walang iniulat na oil spill sa katubigang sakop ng Oriental Mindoro matapos sumadsad ang isang motor tanker kung saan ligtas naman ang lahat ng 18 crew members.
Ayon sa Coast Guard District Southern Tagalog, ang Philippine-flagged motor tanker M/T Espada ay sumadsad sa tubig malapit sa Barangay San Antonio, Naujan noong Pebrero 9 dahil umano sa masamang lagay ng panahon.
Batay sa impormasyon mula sa Coast Guard Sub-Station Calapan, ang M/T Espada ay umalis sa Calaca, Batangas noong Pebrero 8 patungong Bais City, Negros Oriental, nang walang kargamento.
Habang naghahanap ng kanlungan mula sa malalakas na alon, sumadsad ito sa mababaw na tubig na may muddy-sand seabed, 300 metro mula sa ilog.
Agad na nagsagawa ng verification ang PCG at nakumpirma na nasa maayos na kondisyon ang 18 crew members, kasama ang kapitan ng barko.
Sa pagsusuri ng Maritime Safety Services Unit–Southern Tagalog, natukoy na kumpleto at valid ang mga dokumento ng tanker, at matatag ang barko na walang pinsala sa hull o pagpasok ng tubig-dagat.
Iniulat ng Marine Environmental Protection–Emergency Response Unit ng PCG sa Oriental Mindoro na walang senyales ng fuel leakage o marine pollution.
Bilang pag-iingat, naglagay ng oil spill booms sa mga strategic na lugar para sa mabilisang tugon kung kinakailangan.
Pormal na ipinaalam ng PCG Station Oriental Mindoro sa Maritime Industry Authority (Marina) Regional Office IV ang insidente at hiniling ang suspensyon ng Cargo Ship Safety Certificate ng barko.
Ang tanker ay sasailalim sa mandatoryong safety re-evaluation bago payagang magpatuloy sa operasyon.
Isinagawa ang extraction operations kung saan gumamit ng motor tug para hilahin ang barko sa mas malalim na parte ng tubig para sa kumpletong safety at damage assessment.
Patuloy na minomonitor ng Coast Guard District Southern Tagalog ang sitwasyon at inutusan ang mga operator ng barko na mahigpit na sumunod sa lahat ng safety at precautionary measures. Jocelyn Tabangcura-Domenden