Home NATIONWIDE Shear line, easterlies, amihan magpapaulan sa bansa

Shear line, easterlies, amihan magpapaulan sa bansa

179
0

MANILA, Philippines – Magdadala ang Shear Line ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa silangang bahagi ng Southern Luzon at Visayas, habang maaapektuhan ng easterlies ang ilang bahagi ng Mindanao at mararanasan naman ang Northeast Monsoon o Amihan sa nalalabing bahagi ng Luzon, ayon sa PAGASA nitong Huwebes.

Magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan o pulu-pulong thunderstorms sa Bicol Region, Western Visayas, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Negros Occidental, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, at Leyte dahil sa Shear Line. Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng pagbaha o pagguho ng lupa dulot ng katamtaman hanggang sa minsang malakas na pag-ulan.

Sa Caraga, Davao Region, at Southern Leyte, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa easterlies, na maaari ring magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang sa minsang malakas na pag-ulan.

Makakaranas naman ng maulap na kalangitan na may mahinang pag-ulan ang Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Aurora dahil sa Amihan, ngunit wala umanong inaasahang malaking epekto.

Sa Metro Manila, Ilocos Region, nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region, Central Luzon, at CALABARZON, magiging bahagyang maulap hanggang maulap na may pulu-pulong mahinang pag-ulan dulot pa rin ng Amihan at wala ring inaasahang malaking epekto.

Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dahil sa easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa tuwing may malalakas na thunderstorms.

Para sa lagay ng hangin at karagatan, makararanas ang Northern Luzon at silangang bahagi ng Central Luzon, Southern Luzon, at Visayas ng katamtaman hanggang malakas na hanging amihan na may katamtaman hanggang maalon na karagatan.

Sa iba pang bahagi ng bansa, mahina hanggang katamtamang hangin mula silangan hanggang hilagang-silangan ang inaasahan na may bahagya hanggang katamtamang pag-alon ng karagatan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here