MANILA, Philippines – Suportado ng mga senador nitong Huwebes, Pebrero 12, ang panawagan na palitan ang Chinese ambassador sa Manila matapos maglabas ng bagong mapanindigan at agresibong pahayag laban sa Senado, partikular kay Senate President Tito Sotto.
Ayon kay Sen. JV Ejercito, kahit hindi pa dalawang buwan sa bansa si Ambassador Jing Quan, naging hostile siya at iba pang Chinese officials imbes na paunlarin ang ugnayan ng Pilipinas at China, lalo na sa isyu sa West Philippine Sea.
“Instead of dousing cold water to the fire, he’s adding fuel to the fire. So I think it would be better to replace him with someone more diplomatic,” ani Ejercito.
Sinabi rin ni Sen. Raffy Tulfo na agresibo at sensitibo ang bagong ambassador kumpara sa naunang mga Chinese envoy, kaya mas makabubuti sa relasyon ng dalawang bansa kung may bagong itatalaga.
Sinabi naman ni Sen. Robin Padilla na sinusuportahan niya ang posisyon ng Senado at ang diplomatikong approach ni Pangulong Marcos sa usapin.
Si Senate President Tito Sotto ay nag-react sa pahayag ng Chinese embassy spokesperson Ji Lingpeng: “When someone triggers you to react and you do not, it’s annoying! I prefer to be annoying!”
Ang Senado ay kamakailan lang nagpasa ng Resolution No. 256, na kumokondena sa mga pahayag ng embahada na kritikal sa pagtatanggol ng Pilipinas sa soberanya at karapatan sa karagatan. RNT/MND