Home NATIONWIDE 3 dayuhang konektado sa ‘Hells Angels” naharang sa NAIA – BI

3 dayuhang konektado sa ‘Hells Angels” naharang sa NAIA – BI

214
0

MANILA, Philippines – Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong dayuhan mula New Zealand na umano’y may koneksyon sa kilabot na international outlaw group na Hells Angels upang hindi tuluyang makapasok ang mga ito sa bansa.

Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga dayuhan na sina Alexander Michael Schmalkuchen, 38; Stanley Savinata Sunguturanga, 41; at Ethan Schipper, na pawang may hawak na New Zealand passport.

Nabatid sa BI na dumating sina Schmalkuchen at Sunguturanga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong gabi ng Pebrero 7 sakay ng China Southern flight mula Guangzhou, habang sumunod namang dumating si Schipper noong Pebrero 9 sakay din ng kaparehong biyahe.

Ayon kay BI Interpol Chief Peter de Guzman, agad humingi ng beripikasyon ang mga immigration officer nang mag-“hit” ang mga pangalan ng tatlo sa INTERPOL system. Sa isinagawang masusing pagsusuri, nakumpirmang saklaw ang mga ito ng Diffusion notice na may kaugnayan sa isang international criminal organization.

Lumalabas din sa record na may sari-saring kaso at hatol na ang tatlo sa iba’t ibang bansa at kinikilalang miyembro ng Hells Angels Motorcycle Club (HAMC), isang outlaw motorcycle gang na minamanmanan sa buong mundo dahil sa umano’y pagkakasangkot sa organisadong krimen.

Dahil dito, agad na ipinatupad ang exclusion order laban sa tatlo alinsunod sa Philippine Immigration Act na nagbabawal sa pagpasok ng mga dayuhang itinuturing na banta sa kaligtasan ng publiko at pambansang seguridad.

Nagbabala naman si Viado na hindi magiging kanlungan o daanan ng mga transnational criminal group ang Pilipinas.

Aniya, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang border security at labanan ang transnational crime, kaya nananatiling alerto ang BI sa pagbabantay sa mga pantalan at paliparan ng bansa. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here