MANILA, Philippines – Naitala ang pagbuga ng abo sa bunganga ng Kanlaon Volcano nitong madaling-araw ng Biyernes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa PHIVOLCS, naganap ang ash emission bandang 12:50 a.m. at tumagal ng 17 minuto, at “generated plumes that rose to 300 meters above the crater before drifting southwest as recorded by the thermal camera in Lower Masulog (VKLM) observation station.”
Dagdag ng ahensya, nananatili sa Alert Level 2 ang Kanlaon Volcano.
Noong Huwebes, Pebrero 12, 2026, naitala ang 11 volcanic earthquakes, mahigit 1,118 tonelada ng sulfur dioxide flux, at pitong metrong taas ng plume. Nakitaan din ng ground deformation ang bulkan.
Muling iginiit ng PHIVOLCS na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa Permanent Danger Zone o PDZ, at hindi rin pinapayagan ang mga sasakyang panghimpapawid na lumapit sa bunganga ng bulkan.
Pinaalalahanan din ang publiko na maaari pa ring magkaroon ng steam o phreatic explosions at posibleng pagputok ng magma. Santi Celario