MANILA, Philippines – Lumagda sa isang kasunduan ang Department of Science and Technology–Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI) at ang Department of Foreign Affairs–Office of Cultural Diplomacy (DFA-OCD) upang isulong ang “Telang Pinoy” at palakasin ang presensya ng mga telang Pilipino sa pandaigdigang entablado.
Ayon sa DOST-PTRI, nilagdaan ang memorandum of understanding (MOU) noong Miyerkules nina Director Julius Leaño Jr. at DFA-OCD acting head Arlene Magno sa punong tanggapan ng instituto sa Taguig City.
Layunin ng kasunduan na palakasin ang kooperasyon sa pagtataguyod ng “Telang Pinoy” bilang makabagong teknolohiya at mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino.
Sa ilalim ng MOU, nangako ang dalawang ahensya na magbahagi ng kaalaman, impormasyon, at mga yaman para sa magkasanib na mga proyekto sa pagpapaunlad at pandaigdigang pagkilala sa mga telang Pilipino, kabilang ang Philippine Tropical Fabrics, handwoven textiles, natural fibers at dyes, Philippine silk, at iba pang teknolohiyang binuo ng DOST-PTRI.
Saklaw din ng partnership ang mga joint promotion, eksibisyon sa mga embahada at internasyonal na lugar, at mga programang pampagsasanay at palitan ng kaalaman sa pamamagitan ng workshops at training.
Tututok din ito sa content development at strategic communications, kabilang ang paggawa ng promotional at digital materials na nagtatampok sa kahalagahang kultural ng mga telang Pilipino.
Plano rin ng mga ahensya na bumuo ng mga produktong may tatak-Pilipinas tulad ng souvenir, regalo, dekorasyon, at pormal na kasuotan para sa mga diplomatikong at state functions, gayundin ang pagbibigay ng teknikal na gabay sa produksyon at heritage practices.
Sa pamamagitan ng kolaborasyon, inaasahang mapapalawak ang mga oportunidad para sa mga lokal na komunidad ng manghahabi at mapalalakas ang pandaigdigang pagkilala sa mga telang Pilipino. Dave Baluyot