Home NATIONWIDE Colonel nag-ala foreman? 51 parak pinag-construction

Colonel nag-ala foreman? 51 parak pinag-construction

168
0

MANILA, Philippines – Haharap sa kasong graft sa Sandiganbayan ang isang police colonel dahil sa umano’y pag-uutos sa 51 pulis na magtrabaho sa konstruksyon ng pribadong gusali na sinasabing pag-aari niya sa Cebu City.

Ayon sa prosekusyon, kumilos umano si Police Col. Hector Udani Grijaldo Jr. “with evident bad faith” nang ipadeploy niya ang mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 7 para sa pagtatayo ng gusali mula Agosto 2019 hanggang Abril 2020.

Matatagpuan umano ang istruktura sa pampublikong lupain sa Sitio Cantipla, Barangay Tabunan.

Batay sa rekord ng korte, umabot sa P9.4 milyon ang naging gastos ng pamahalaan sa sahod at mga rekurso na ginamit sa pagdadala ng mga pulis sa lugar ng konstruksyon.

Personal na dumalo si Grijaldo sa pagdinig ng Sandiganbayan Fourth Division nitong Huwebes.

Sa pagdinig, nagpatotoo ang prosecution witness na si Domingo Say Cabillan na nagsagawa siya ng inspeksyon sa lugar ngunit hindi niya personal na narinig ang anumang utos na magtrabaho ang mga pulis sa proyekto. Sinabi niyang nagsagawa siya ng impormal na inspeksyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isa pang opisyal na hindi na niya matandaan ang pagkakakilanlan.

Kinasuhan din sa kaso si Police SGM Jesus Pescante Batobalonos. Pinayagan na ang dalawang akusado na makapagpiyansa ng tig-P90,000.

Nauna nang sinita ng House of Representatives si Grijaldo dahil sa paulit-ulit na hindi pagdalo sa pagdinig hinggil sa extrajudicial killings noong panahon ng Duterte administration. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here