Home METRO MPD, nagdiwang ng ika-125 anibersaryo

MPD, nagdiwang ng ika-125 anibersaryo

175
0
(c) Crismon Heramis

MANILA, Philippines – Bilang pagpupugay sa mga namayapang pulis na nagbuwis ng buhay sa pagtupad ng kanilang tungkulin, isinagawa ang wreath-laying ceremony at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng mga hero cops sa ika-125 anibersaryo ng pagkakatatag ng Manila Police District (MPD) ngayong Pebrero 13.

Dinaluhan ito ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso, kasama si Manila Vice Mayor Chi Atienza, mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, ilang mataas na opisyal ng PNP, at si DILG Undersecretary for Peace and Order Nestor B. Sanares bilang kinatawan ni DILG Secretary Jonvic Remulla na hindi nakadalo sa mahalagang okasyon, gayundin ang mga kinatawan ng Chinese community organizations.

Kasabay ng wreath-laying ceremony, pinasinayaan din ang “Museum of the Manila’s Finest,” kung saan tampok ang mga artifacts na ginamit ng mga kapulisan mula nang maitatag ang MPD. May temang “MPD@125: Pinanday ng Kasaysayan, Naglilingkod nang Mahusay, Tapat at Nararamdaman: Tungo sa Matatag na Bagong Pilipinas.”

Nagbigay rin ng 21-gun salute bilang pagbibigay-pugay sa mga kapulisan ng Maynila na tinaguriang mga bayani.

Sa nasabing pagdiriwang, pinuri ni Mayor Isko ang MPD sa maayos na pagpapatupad ng peace and order situation sa lungsod sa pamamagitan ng walang humpay na pagpapatrolya.

Ikinatuwa at pinasalamatan din ng alkalde ang pamumuno ni MPD Director PBrig. Gen. Arnold Abad dahil, sa huling kuwarter ng 2025, bumaba ng 13 porsiyento ang crime rate sa Maynila.

Sa kabuuan ng taong 2025, bumaba naman ng 10.83 porsiyento ang focus crimes kumpara sa datos noong 2024, ayon sa MPD.

Tiniyak ng alkalde sa DILG ang patuloy na pagsuporta ng lokal na pamahalaan sa mga polisiya kaugnay ng peace and order situation sa ilalim ng pamumuno ni Interior Secretary Jonvic Remulla.

— Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here