MANILA, Philippines – Inaasahan ng Department of Energy (DOE) na aabot sa P25 trilyon ang mamumuhunan sa sektor ng renewable energy sa loob ng 10 taon, kasabay ng planong green energy auction program.
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, noong nakaraang taon P1.3 trilyon ang na-invest sa renewable energy, at layunin ng ahensya na makapagdagdag ng 25 gigawatts (GW) ng kapasidad sa susunod na dekada.
Kasama sa plano ang mga auction para sa solar, wind, battery energy storage systems (BESS), geothermal, hydropower, biomass, at waste-to-energy projects. Inaasahang magsisimula ang unang round ng mga auction na magbibigay ng higit 3,200 MW kapasidad sa 2027–2028, habang 5,565 MW naman ay target simulan noong 2028.
Ayon kay Marissa Cerezo ng Renewable Energy Management Bureau, malinaw na auction-backed pipeline ang magbibigay ng market visibility sa mga developers at financial institutions para ma-plano at maipatupad ang mga proyekto sa tamang oras.
Layunin ng DOE na maabot ang 35% share ng renewables sa electricity generation mix ng bansa pagsapit ng 2030, mula sa kasalukuyang 22%. RNT/MND