MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Pasay City police ang dalawang kilabot na holdaper na nakumpiskahan ng baril at granada sa pagsasagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations o SACLEO madaling araw ng Linggo, Pebrero 15.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang mga nadakip na suspek na sina alyas Boknoy, 36, at isang alyas Ariel, 21, kapwa residente ng Roxas Boulevard Service Road, Brgy. 7, Pasay City.
Base sa report na natanggap ni De Sesto mula kay CCP Complex Sub-Station 1 officer-in-charge P/Capt. Dennis Desalisa, naganap ang pag-aresto sa mga suspek bandang alas 12:00 ng hatinggabi sa Queens Transient, F.B. Harrison Street, Brgy. 13, and San Juan Street Brgy. 8, Pasay City.
Ayon kay De Sesto nakatanggap ng tawag ang SS1 tungkol sa presensya ng dalawang kahina-hinalang lalaki na naglalakad sa harap ng Queens Transient, located at F.B. Harrison Street, Barangay 13, Pasay City.
Mabilis naming rumesponde ang mga miyembro ng SS1 kung saan inabutan ng mga pulis ang dalawang suspek na nakatayo sa harap ng nabanggit na establisimiyento.
Nang mapansin ng mga suspek ang mga paparating na pulis ay agad itong nagpulasan kung saan tumakbo at hinabol ng mga rumespondeng awtoridad si alyas Ariel na may hawak na baril patungong San Juan Street at agad siyang nahuli.
Si alyas Boknoy naman ay nahuli matapos tumakbo naman sa loob ng nabanggit na transient house kung saan ito nakorner at narekober ang isang granada mula sa kanya.
Sinabi ni De Sesto na sa patuloy na pagsasagawa ng imbestigasyon ay nadiskubre na sangkot ang mga suspek sa insidente ng mga holdap sa lugar na ang huli ay nito lamang nakaraang Pebrero 11 kung saan ang nabiktima ng mga ito ay isang 32-taong-gulang na babaeng miyembro ng Philippine Navy na si alyas Roseva, ng Urban Deca Homes, Tondo, Manila, na natangayan ng isang iPhone Pro Max na kinalaunan ay nabawi din sa posesyon ng mga suspek, at isa pang biktima na kinilalang si alyas Kristine, 32, pansamantalang nanunuluyan sa PN Headquarters, Roxas Boulevard, Manila.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ang mga suspek kung saan nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9516 (Illegal Possession of Explosives) si alyas Boknoy at R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) naman si alyas Ariel at karagdagang kaso pa sa mga ito ang robbery/holdup sa Pasay City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)







