Home HOME BANNER STORY PBBM: 50kWh kuryente, libre sa 4Ps

PBBM: 50kWh kuryente, libre sa 4Ps

457
0

MANILA, Philippines – Isasama na sa Lifeline Rate Subsidy Program ang mga benepisyaryo ng 4Ps (Pantawid Pamilya Pilipino Program) simula ngayong buwan upang makakuha ng diskwento sa kuryente.

Inanunsyo ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang event ng Meralco noong Pebrero 14.

Ayon sa Pangulo, hanggang Nobyembre 2025, 334,400 lamang o nasa 11% ng 3 milyong 4Ps beneficiaries ang nakarehistro para sa electricity subsidy dahil sa mahihigpit na requirements.

“Mahirap ka na nga, kailangan mo pang patunayan na mahirap ka,” aniya.

Sa ilalim ng programa, ang mga 4Ps beneficiaries na may konsumo na 50 kilowatt-hour (kWh) pababa kada buwan ay hindi na magbabayad ng kuryente.

Ang iba pang low-income families na pasok sa poverty threshold ng Philippine Statistics Authority ngunit hindi sakop ng 4Ps at may mababang konsumo ng kuryente ay maaaring magparehistro.

Sinabi ng Pangulo na pinasimple na ang mga patakaran at magkakaroon ng bagong lifeline consumption threshold upang mas maraming kabahayan ang makinabang.

“Ito ang uri ng pamahalaang ating itinataguyod. Hindi dapat ang Pilipino ang naghahabol sa tulong. Ang tulong ang dapat ang lumapit sa mga Pilipino,” ani Marcos.

Binanggit din ng Pangulo ang kakulangan ng malinaw na patakaran sa Net-Metering program.

Ibinahagi niya ang sariling karanasan sa Ilocos Norte kung saan nagpakabit siya ng solar panels ngunit nahirapang magbenta ng sobrang kuryente sa grid dahil kulang ang proseso.

Ang Net-Metering program ay nakasaad sa Republic Act No. 9513 o Renewable Energy Act.

Ayon kay Marcos, may mga hakbang na upang mapadali ang aplikasyon, kabilang ang Joint Memorandum Circular ng DOE, DILG at DPWH para sa standardized forms at takdang turnaround time.

Inutusan din ng ERC ang mga distribution utilities na tapusin ang interconnection process sa loob ng 20 working days mula sa pagtanggap ng letter of interest.

Nagpasalamat din ang Pangulo sa Meralco sa suporta nito sa pagsusulong ng national energy agenda. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here