NAPAKALAPIT na talaga ang halalang 2028 kaya lumiliyab na ang pulitika.
Pinakasentro ng pulitika ang mga kakandidatong pam-Pangulo.
Batay sa mga sarbey ngayon, iisang kandidato lang ang lumulutang na mahirap talunin…si Vice President Sara Duterte.
Ito’y sa gitna ng iba’t ibang paraan upang palubugin ito.
Kabilang sa pinakamatitinding pagpalulubog sa kanya ngayon ang pang-i-impeachment sa kanya.
At para magtagumpay ito, dinudurog din ang kanyang mga kaalyado sa Senado para matalo siya sa bobotan sa Impeachment Court.
Dinudurog silang mga kaalyado gamit ang mga kasong korapsyon sa flood control at kasong droga na iniuugnay sa kanyang amang si ex-President Digong Duterte at limang senador ang apektado rito.
Posible bang malaglag si VP Sara bago mag-2028 sa impeachment?
Kaugnay nito, naririyan din ang posibilidad na hindi matatapos ni President Bongbong Marcos ang kanyang termino sa rami rin ng mga kumikilos na patalsikin ito sa pwesto bago mag-2028.
Sa tadhana ng Konstitusyon, si VP Sara dapat ang papalit sa kanya.
Pinipigilan ding mangyari ito sa bisa ng impeachment.
Kung hindi naman uubra ang mga impeachment at halalan, nariyan din ang nilulutong Charter Change na ibang sistema na ang pagpili sa Pangulo at madiskaril si Inday Sara.
Nariyan din ang posibilidad ng kudeta na iba na ang mauupong pinuno ng bansa kundi militar at pulisya.
Ngunit may iba pang mga pwersang humaharang sa kanya gaya mga pakialamerong dayuhang may mga pansariling interes at kontra sa pinakamabuting interes ng Pinas.
Maaaring konektado ang mga ito sa kudeta o lahat ng paraan para maharang siya.
Bakit kaya ganun na lang kung durugin at harangin si VP Sara na maging pinuno ng bansa?
Ano bang kinatatakutan nila o mangyayari sa Pinas kung maging Pangulo siya?






