Home NATIONWIDE 10-year solid waste plan na inilatag ni Isko nakapokus sa pagbabawas ng...

10-year solid waste plan na inilatag ni Isko nakapokus sa pagbabawas ng basura, waste segregation

195
0

MANILA — Inilunsad ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang updated na 10-taong Solid Waste Management Plan ng lungsod na nakatuon sa mas maigting na pagbawas at tamang paghihiwalay ng basura upang masolusyunan ang lumalalang problema sa tambak na basura sa Maynila.

Sa talumpati ni Domagoso sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, iginiit ng alkalde na pangunahing tungkulin ng lokal na pamahalaan ang pagpapanatili ng kalinisan ng lungsod — saan man manggaling ang basura.

Pinuri rin ni Yorme ang Department of Environmental and Public Services (DEPS), kabilang ang Estero Rangers at Manila Bay cleaning teams, na araw-araw na sumasagip sa mga basurang lumulutang sa mga estero at baybayin.

“Salamat sa Diyos. Sana ay mapagtagumpayan nating lahat ang pagkakaroon ng maaliwalas at panatag na pamumuhay para sa ating mga kababayan,” ani Yorme Isko.

Dagdag pa ng alkalde, hindi mahalaga kung saan nagmula ang basura dahil ang mahalaga ay nagagampanan ng pamahalaang lungsod ang tungkulin nito.

“Wala namang pangalan o address ang basura. Ang nakikita lang ng tao, may basura sa atin,” diin ng alkalde.

Samantala, sinabi ni DEPS Director Kenneth Amurao na nakatuon ang bagong plano sa mga konkretong hakbang para mabawasan ang dami ng basurang itinatapon sa landfill.
Paliwanag ni Amurao, mahalaga ang paghihiwalay ng nabubulok at di-nabubulok na basura pa lamang sa mga tahanan at opisina.

Mas paiigtingin din umano ng lungsod ang waste diversion program sa pamamagitan ng pagpapalawak ng composting operations sa mga Materials Recovery Facility (MRF) ng pamahalaan at pakikipagtulungan sa mga pribadong kumpanya para sa koleksyon ng recyclable materials.

Ayon pa sa opisyal, isa sa malaking hamon ang patuloy na pagtaas ng dami ng basurang nalilikha ng bawat residente. Mula umano sa 0.6 kilo kada tao kada araw, halos umabot na ito sa 1 kilo.

Sa ilalim ng bagong plano, magkakaroon ng sariling maliit na composting facilities ang mga MRF upang mabawasan ang basurang diretso sa landfill.

Inihayag din ni Amurao na maaaring i-update ang plano kada dalawang taon upang makasabay sa makabagong teknolohiya, kabilang ang posibleng paggamit ng waste-to-energy system.

Ang pagpapatupad ng bagong plano ay kasunod ng permanenteng pagsasara ng Navotas Sanitary Landfill noong Agosto 2025, dahilan upang ilipat ang pagtatapon ng basura ng Maynila sa New San Mateo Sanitary Landfill sa Rizal.

Dahil dito, humaba ang biyahe ng mga garbage truck at nadagdagan ang gastusin sa operasyon. Nagdulot din ito ng mas mahabang pila ng mga trak mula sa iba’t ibang lungsod na maaaring makaapekto sa bilis ng koleksyon ng basura. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here