Home OPINION NEGOSYO SA MAYNILA MAS DUMAMI PA

NEGOSYO SA MAYNILA MAS DUMAMI PA

157
0

TALIWAS sa pangamba ng ilang grupong tumututol sa pagpapatupad ng Manila City Ordinance 9151 o ang revised garbage collection fees, lalo pang dumami ang mga bagong negosyo at nag-renew ng permit sa Maynila ngayong taon, batay sa pinakahuling datos ng Bureau of Permits.

Sa tinanggap na ulat ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso mula kay Bureau of Permits Director Levi Facundo, lumabas na hindi lamang nadagdagan ang mga bagong rehistradong negosyo ngayong Pebrero kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, kundi tumaas din ang bilang ng mga nagproseso at nagbayad para sa renewal ng kanilang business permits.

Ayon kay Facundo, mula sa 602 bagong business permit na naiproseso noong 2025, umabot ito sa 1,243 ngayong taon—katumbas ng pagtaas na 641 aplikasyon o 106.48 porsyento. Tumaas din ang bilang ng mga nakapagbayad para sa bagong permit sa 753 mula sa 688 noong nakaraang taon.

Samantala, umabot sa 49,051 ang kabuuang bilang ng mga nagproseso ng renewal ng business permits ngayong taon kumpara sa 47,886 noong 2025. Sa nasabing bilang, 45,793 na ang nakapagbayad na mas mataas kaysa 45,086 noong nakaraang taon.

Ipinakikita ng naturang datos na hindi nagkatotoo ang babala ng ilang tumututol sa ordinansa na bababa ang bilang ng mga negosyong magpapa-renew at lilipat sa ibang lungsod dahil sa bagong garbage fees. Sa halip, patuloy ang pagdami ng mga bagong negosyo at ang pagsunod ng mga establisimyento sa renewal ng kanilang permit.

Inaprubahan ni Mayor Isko ang ordinansang ipinasa ng Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni Vice Mayor Chi Atienza noong Disyembre 1, 2025. Layunin nitong i-update ang bayad sa koleksyon ng basura mula sa mga establisimyento, na hindi pa nababago mula 2013 sa kabila ng pagtaas ng dami ng basura at gastusin sa operasyon ng lungsod.

Gayunman, tinutulan ito ng ilang grupo at may isang residente ng Las Piñas na naghain pa ng petisyon sa Korte Suprema upang ipawalang-bisa ang ordinansa at maglabas ng temporary restraining order. Ayon sa petitioner, banta umano ito sa pananalapi ng mga negosyante at maaaring magdulot ng malawakang pag-alis ng mga negosyo sa lungsod.

Ngunit lumagpas na ang deadline ng renewal noong Pebrero 13 at sa halip na bumaba ang bilang ng mga nag-renew, mas dumami pa ang mga ito, kasabay ng pagdagsa ng mga bagong negosyo sa Maynila. Ipinakikita nito na nananatiling matatag ang sektor ng negosyo sa lungsod sa kabila ng mga pagtutol sa bagong ordinansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here