MANILA, Philippines – Itinalaga si Atty. Melvin Matibag bilang bagong direktor ng National Bureau of Investigation (NBI), ayon sa anunsyo ng Malacañang nitong Huwebes.
Kinumpirma ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro ang appointment sa isang press briefing ngunit sinabi niyang walang ibinigay na partikular na dahilan para sa pagtatalaga kay Matibag.
“Ang rason ay hindi po naipukol sa atin. ‘Yan lamang po ang aking maibibigay sa ngayon,” ayon kay Castro.
Nang tanungin kung bakit pinili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Matibag, na kilalang kaalyado ng dating administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Castro na prerogative ng Pangulo ang pagtatalaga ng mga opisyal ng gobyerno at nakabatay ito sa tiwala.
“Unang-una, prerogative naman po ng Pangulo… unang-una, masasabi natin bakit niya iaappoint, nandoon po ‘yung tiwala. Nakitaan po niya si Atty. Melvin Matibag na maaaring pagtiwalaan, maaaring magtrabaho sa gobyerno,” ayon kay Castro.
Wala pang ibinibigay na detalye kaugnay ng oath-taking ni Matibag. Papalitan niya si Atty. Angelito Magno, na nanungkulan lamang bilang NBI director noong Oktubre 2025.
Si Matibag ay nagsilbing acting Cabinet Secretary sa nakaraang administrasyon at humawak ng iba’t ibang posisyon sa mga institusyon ng gobyerno, kabilang ang National Transmission Corporation, PDP-Laban, Manila International Airport Authority, at Laguna Lake Development Authority. Kris Jose