MANILA, Philippines – Patay sa pamamaril ang acting manager ng Puerto Princesa International Airport na si Joanna Jonson-Infante sa Palawan noong Miyerkules ng hapon, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Huwebes.
Sa inilabas na pahayag, nagpahayag ng “grave concern” ang CAAP sa insidente at nanawagan ng mabilis at masusing imbestigasyon upang mapanagot ang mga responsable.
“Our thoughts and prayers are with her and her loved ones during this critical time. We trust that law enforcement authorities will pursue this case with urgency and ensure that justice is served,” ayon kay CAAP Director Raul del Rosario.
Batay sa pahayag ng Puerto Princesa City Police Office, naganap ang pamamaril bandang alas-5:28 ng hapon sa Bayview Road sa Barangay San Pedro. Sa paunang imbestigasyon at CCTV footage, naglalakad umano si Infante patungo sa isang simbahan nang lapitan siya ng suspek mula sa likuran, paulit-ulit na pinaputukan, at tumakas.
Dinala sa ospital ang biktima ngunit nasawi rin dahil sa tinamong maraming tama ng bala sa kabila ng emergency medical care.
Inatasan ni Police Colonel Cristine Tabdi, hepe ng Puerto Princesa City Police, ang masusing imbestigasyon at pinaigting ang operasyon upang matukoy at maaresto ang salarin. Bumuo rin ang pulisya ng special investigation task group (SITG) upang mapabilis ang imbestigasyon.
Sinabi ng CAAP na nakikipag-ugnayan ito sa lokal na awtoridad at handang magbigay ng buong kooperasyon sa imbestigasyon. Hinikayat din ng mga awtoridad ang sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan agad sa pulisya. Mary Anne Sapico