MANILA, Philippines – Nilinaw ng Korte Suprema (SC) na ang boluntaryong pagsuko bilang isang mitigating circumstance ay dapat suriin batay sa tunay na intensyon ng akusado at sa kabuuan ng ebidensya.
Sa isang 30-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Samuel Gaerlan, sinabi ng SC na ang voluntary surrender ay dapat tingnan sa isang “more considerate and broad-minded approach” kapag napatunayan na ang pagkakasala.
“The Court understands that ultimately, each case of application for the benefit of the mitigating circumstance of voluntary surrender must be adjudged based on the unique attendant circumstances and with the consideration of all relevant jurisprudence,” saad dito.
“That being said, trial courts should again not be too quick to draw conclusions in order to deny such applications despite jurisprudence stating that any doubt should not be resolved in favor of the accused in such situations,” dagdag pa.
Ayon sa SC, dapat ipakita ng boluntaryong pagsuko ang intensyon ng akusado na aminin ang pagkakasala o maiwasan ang gastos at pagsisikap ng mga awtoridad sa pag-aresto.
Nilinaw din ng Korte na ang paglabas ng arrest warrant ay hindi awtomatikong nagpapawalang-bisa sa voluntary surrender, maliban kung sinadyang umiwas sa pag-aresto ang akusado o nagtago bilang pugante. Dagdag pa nito, ang pagitan ng oras mula sa paglabas ng warrant hanggang sa pagsuko ay hindi sapat na batayan upang ituring na hindi boluntaryo ang pagsuko, at dapat suriin ang intensyon kasama ang iba pang mga salik.
Sa ilalim ng Article 13(7) ng Republic Act 3815, itinuturing na mitigating circumstance ang boluntaryong pagsuko kapag ang akusado ay kusang sumuko sa awtoridad o umamin ng pagkakasala sa hukuman bago iharap ang ebidensya ng prosekusyon.
Nag-ugat ang desisyon matapos pagbigyan ng SC ang petisyon ng isang lalaki at kilalanin ang kanyang voluntary surrender matapos niyang malaman ang arrest warrant laban sa kanya. Ipinromulga ang desisyon noong Agosto 2025 at inilabas sa publiko noong Pebrero 2026. RNT