NAGKAGULO-GULO na ang lahat sa pulitika makaraang magdeklara nang maaga si Vice President Sara Duterte na lulusong siya sa pagka-Pangulo sa halalang presidenyal sa 2028.
Isa sa mga apektado ang apat na impeachment complaint na isinampa laban sa kanya sa Kamara.
Ayon sa ilang kongresman, kahit pagsama-samahin pa ng House committee on justice ang mga impeachment complaint at gumawa ng nag-iisang posisyon para ideklarang “sufficient in form and substance” ang mga ito, walang nagmamadaling isalang ito sa plenaryo o panlahatang pulong para aprubahan.
Isa pang problema umano ang kawalan ng palatandaan, habang tinitipa ito, na makakamit ng 105 o 1/3 na boto ang impeachment upang maiakyat ito sa Senado para sa paglilitis.
Isa pang malaking problema ang kawalan umano ng kredibilidad ng nakararaming kongresman na titindig na malinis para gawing magmukhang may sala si Inday Sara dahil suspek ang mga ito sa mga katakot-takot sa korapsyon at pandarambong, gaya nang lumalabas sa mga pahayag ng katulad nina Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste, Navotas Representative Toby Tiangco at iba pa.
Lumilitaw ring nawawalan na ng kredibilidad mismo si Pangulong Bongbong Marcos para iendorso, lantaran man o hayagan, ang impeachment dahil sa paglitaw ng bilyon-bilyong pisong kaaliwaswasan o pagkikbak nito sa flood control programs, base sa rebelasyon ng Makabayan bloc at iba pa.
Sakaling maiakyat naman sa Senado ang impeachment complaint, at “forthwith” na magkakaroon ng paglilitis, ayon kay Senate President Tito Sotto, wala ring nakatitiyak na mako-convict o maideklarang nagkasala si Inday Sara sa botong 16 ng mga magiging senador-huwes sa Impeachment Court.
Ito’y dahil may 9 na miyembro ng minorya na ipagpalagay na lang na pro-Sara at maaaring may tatawid pa mula sa 15 mayorya pabor sa kanya.
Pinakamahalaga sa lahat, “Kung sino sa inyo ang walang kasalanan, siya ang maunang bumato sa kanya!” (Juan 8:7)






