SAKALING hindi magkasundo ang United States at Iran sa maseselang usapin sa pagitan nila at magkagiyera sila, nasaan na ang aksyon ng pamahalaang Marcos para proteksyunan at iligtas sa kapahamakan ang libo-libo o daan-daang libong overseas Filipino worker na maaapektuhan?
Pero hindi lang naman ang mga OFW ang maaapektuhan o mapasasama ang kalagayan kundi pati ang mga pamilya sa Pilipinas ng mga OFW at maging ang buong bayan sa problemang langis na tiyak ding lalala at makasasama sa atin.
MGA PROBLEMA
Sa kasalukuyan, tatlong malalaking usapin ang gusto ng US, kasama ang Israel, na mangyari.
Wala dapat uranium ang Iran na gagawin sa paglikha ng bombang nukleyar na maaaring gamitin nito laban sa Israel at sa mga base militar ng US sa ilang bansa sa Gitnang Silangan, kasama ang Israel, Qatar, Jordan at iba pa.
Dapat din umanong hindi gumawa ang Iran ng mga missile upang hindi manganib ang Israel at mga base militar ng US sa paligid.
Kailangan din umanong mawala ang pamahalaang Islamic at palitan ito ng pamahalaang hawak nila sa leeg at ilong, gaya ng kalagayan noon ni Reza Pahlavi.
Lahat ng ito ay hindi sinasang-ayunan ng Iran.
At ngayon, nakakapit na sa gatilyo ang parehong bansa para sa giyera.
Nasa karagatang malapit sa Iran ang mga barkong pandigma ng US, gayundin na pinalakas nito ang mga pandigmang eroplano sa Jordan, Qatar at iba pa.
Ang masama pa, mainit na mainit ang pagpunta rin ng mga pwersang Russia at China sa mga karagatang doon matatagpuan ang mga barkong US at namimigay ang mga ito ng mga malalakas ding armas sa Iran laban sa US at Israel.
Iba pa ang pakikilahok laban sa US-Israel, sa giyera ng mga Houthi sa Yemen, Hezbollah sa Lebanon, militante sa Iraq at mismong Afghanistan na katabi ng Iran.
MGA OFW AT LANGIS PAANO?
Ang isang inaalala natin kaagad, mga Bro, ay ang pagkakadamay ng napakaraming OFW sa ilang bansa kung sisiklab ang giyera.
May base militar ang US sa Jordan na roon matatagpuan ang nasa 40,000 OFW, sa Israel na may 30,000, sa Lebanon na may 10,000 at sa Qatar na may 260,000.
Paano ang kanilang kaligtasan?
Isa pa, paano ang lalong pagmamahal ng mga produktong petrolyo kung isasara ng Iran ang Strait of Hormuz na daanan ng nasa 100 barko ng langis araw-araw na ang malaking bahagi nito ay suplay ng Asya, kasama ang Pinas?
Paano rin ang mga OFW na seaman na posibleng madamay sa paglubog ng mga barko o hindi makabiyahe?
Ano na rin ang mga paghahanda ng gobyerno para alalayan ang posibleng milyong pamilya OFW na makararanas ng gutom o kahirapan sa posibleng paghindo ng mga padala?
Paano ang ekonomiya ng Pinas na dadaluhungin ng higit na tataas na presyo ng mga produktong petrolyo na makasasama hindi lang sa mga motorista kundi sa presyo ng mga bilihin sa Pinas?






