MANILA, Philippines – Sumabog ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island nitong Huwebes ng hapon, Pebrero 19, 2026, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa PHIVOLCS, naganap ang isang moderately explosive eruption na nagsimula ang pagputok alas-4:38 ng hapon at tumagal ng dalawang minuto batay sa seismic records.
“This event generated a dark gray eruption plume that rose 2,000 meters above the crater before drifting southwest,” ayon sa PHIVOLCS.
Idinagdag ng ahensya na bumaba ang pyroclastic density currents (PDCS) o “uson” sa timog at timog-kanlurang bahagi ng itaas na dalisdis sa loob ng isang kilometro mula sa bunganga ng bulkan.
Nanatiling nakataas ang Alert Level 2 sa Bulkang Kanlaon, at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong permanent danger zone (PDZ). Santi Celario