MANILA, Philippines – NAKA-POKUS si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa trabaho at sa interes ng bansa at wala sa iskedyul nito para i-monitor ang nakatakdang confirmation of charges kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na personal na ni Digong Duterte kung anuman ang mangyayari sa nakatakdang hearing na magsisimula sa Lunes, Pebrero 23.
Magkagayunman, sigurado naman aniya na bibigyan ng update ukol dito ang Chief Executive, gayung kapwa Pilipino ang sangkot sa gagawing pagdinig.
Aniya pa, dapat alalahanin na ang nagsampa ng kaso kay dating Pangulong Duterte ay kapwa natin Pilipino at ang nirereklamo ay kapwa rin natin Pilipino.
Tatakbo ng apat na araw ang confirmation of charges hearing na nakatakda sa Lunes, Pebrero 23 hanggang 26 sa ICC headquarters sa The Hague, Netherlands. Kris Jose