Home NATIONWIDE Retailers ng pekeng yosi, sunod na tutugisin ng DILG

Retailers ng pekeng yosi, sunod na tutugisin ng DILG

182
0

MANILA, Philippines — Magsisimula na ang pamahalaan ng mga raid laban sa mga retailer na nagbebenta ng illegal cigarettes kasunod ng serye ng operasyon laban sa mga distributor at manufacturer, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla ngayong Biyernes.

Sa isang press briefing, nagbabala si Remulla na sisimulan na sa susunod na linggo ang mga raid sa mga supermarket sa buong bansa. “Ito ay babala sa lahat ng nagbebenta. Nakuha na po namin ang distributor, nakukuha na po namin ang manufacturer, sunod na po ang mga retailer,” aniya.

“Pakiusap ko sa lahat ng nasa palengke sa Pilipinas, sa susunod na linggo ay magri-raid na kami,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Remulla na ipasasara ang mga establisimyentong mahuhuling nagbebenta ng illegal cigarettes, at haharap sa non-bailable charges sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ang mga sangkot. “Ngayon pa lang itago niyo na ‘yan, itapon niyo na ‘yan, I don’t care, may isang linggo pa kayo,” aniya.

Naglabas ng babala si Remulla matapos ma-dismantle ng mga awtoridad ang isang hinihinalang illegal cigarette manufacturing at storage facility sa Barangay Sahud-Ulan, Tanza, Cavite noong Huwebes.

Ayon sa Department of the Interior and Local Government, ang pasilidad na nakarehistro bilang Cavite South Luzon Steel Management at idineklarang canned goods warehouse ay naging kahina-hinala matapos makatanggap ng ulat mula sa isang mamamayan tungkol sa malakas na amoy ng tabako.

Kinumpirma ng surveillance ang produksyon ng sigarilyo, na nagresulta sa inspeksyon ng Bureau of Customs.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang mga cigarette-making machines, generators, forklift, tuyong tabako, packaging materials, raw components, hinihinalang counterfeit cigarette products, at mga kahon ng tobacco square sets.

Tinatayang nasa halagang PHP200 milyon ang mga nakumpiskang kontrabando, ayon sa Bureau of Customs. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here