MANILA, Philippines – Magpapatuloy ang pagdadala ng ulan ng shear line at ng northeast monsoon o “amihan” sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa weather bureau nitong Sabado.
Sa 4 a.m. weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms ang Eastern Visayas, Central Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Davao Region, BARMM, Cotabato, South Cotabato, Sarangani, at Sulu dahil sa shear line.
Posible ang flash floods o landslides sa mga nabanggit na lugar dahil sa katamtaman hanggang malakas na ulan.
Samantala, makararanas ng maulap na kalangitan na may bahagyang pag-ulan ang Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, at Quezon dulot ng northeast monsoon o “amihan.”
Magdadala rin ang “amihan” ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated light rains sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, at Visayas.
Ang nalalabing bahagi ng Mindanao ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms.
Magiging katamtaman hanggang malakas ang hangin at katamtaman hanggang maalon ang karagatan sa silangang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao. Sa iba pang bahagi ng bansa, asahan ang mahina hanggang katamtamang hangin at bahagya hanggang katamtamang pag-alon ng dagat. RNT/MND