BENGUET, Philippines – Aabot sa 281 na wanted persons, kabilang ang dalawang top most wanted na may nakalaang reward, ang na-neutralize sa isang renewed crackdown ng Police Regional Office-Cordillera (PRO-CAR).
Kabilang sa mga napatay ang isang lalaki na itinalagang national most wanted at may P1 milyong reward para sa kanyang pagkakaaresto.
Ayon kay PRO-CAR director PBGen. Ericson Dilag, konektado ang suspek sa serye ng mararahas na krimen mula pa noong 1994, kabilang ang pagpatay sa limang tao, isang religious leader, ambush sa mga pulis noong 2002, at assault sa tagasunod ng lokal na opisyal noong 2004. May ulat din ng armed political activity at tribal mobilization hanggang 2013.
Nadiskubre ang suspek noong Enero 21, 2026 sa Sitio Tocpao, Barangay Poblacion, Lubuagan, Kalinga, kung saan sinubukang ihain sa kanya ang warrant of arrest.
Sa halip na sumuko, nanlaban ito at nagdulot ng armed encounter. Napatay ang suspek habang nasugatan ang isang miyembro ng PNP-Special Action Force.
Nakarekober ang pulisya ng mataas na klase ng baril mula sa lugar, kabilang ang M14 rifle, M203 grenade launcher, at caliber .45 pistol.
Pinag-aaralan din ng mga awtoridad ang posibleng mga taong tumulong sa suspek habang ito’y nagtatago, pati na rin ang pinagmulan ng mga baril na narekober.
Binigyang-diin ni Dilag na hindi titigil ang kampanya laban sa wanted persons, kahit sa mga kaso na may matagal nang warrants of arrest. RNT/MND