MANILA, Philippines – Hindi matatakot ang mga mambabatas na isulong ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa kabila ng anunsyo nitong tatakbo siyang presidente sa 2028 national elections, ayon kay House Committee on Human Rights chairman Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr.
Inilarawan ni Abante, nag-endorso ng ikaapat na impeachment complaint laban kay Duterte, na ang maagang presidential positioning nito ay “blessing in disguise” sa sinumang tatakbo laban sa kanya.
“Sa akin personally hindi ako natatakot sa an announcement niya. In fact sa kanyang napakaagang announcement… it might be a blessing in disguise,” ani Abante.
Sinabi pa na ang maagang anunsyo ni Duterte ay maglalagay sa kanya sa matinding pagbusisi ng publiko.
“Hindi naman siguro matatakot ang karamihan ng mga congressman sa kanyang pag-declare kasi ang pinag-uusapan impeachment complaint, hindi naman ‘yung 2028 kung ‘di ‘yung 2026 ang pinag uusapan natin dito ‘yung posisyon niya ngayon,” ayon kay Abante.
Noong Miyerkules ay inihain ni Abante, kasama si House Deputy Speaker at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V, ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Duterte ay ipinasa kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III noong Huwebes. RNT/JGC