MANILA, Philippines – Itinanggi ng Chinese Embassy sa Manila na may kaugnayan sa China ang Mongolian national na inaresto sa Zambales dahil sa umano’y espionage activities.
Sa Facebook post noong Pebrero 22, sinabi ng deputy spokesperson ng embahada: “To the best of our knowledge, this individual has no affiliation with China.”
“Prejudging the matter before the facts are fully ascertained is fundamentally flawed and runs counter to basic principles of objectivity,” dagdag na babala nito laban sa agarang paghusga.
Nauna nang inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto noong Pebrero 12 sa 30-anyos na Mongolian na si Boldbaatar Bold-Erdene sa isang aviation school sa Barangay Lipay Dingin, Iba, Zambales.
Inaresto siya ng BI intelligence at special response team sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos ituring na undesirable alien na may banta sa public interest at safety.
Ayon sa mga awtoridad, habang nagsasagawa ng flight exercises ay umano’y kumuha siya ng aerial photos ng Iba Airport at ng kalapit na Palauig River, mga limang nautical miles mula sa paliparan.
Nauna ring sinabi ng BI, batay sa intelligence report, na ang dayuhan ay “graduated as a jet fighter pilot with suspected affiliation to the Chinese government.”
Sinabi naman ni National Security Adviser Eduardo Año na lisensyadong jet fighter pilot umano ang suspek para sa Chinese military at itinago ang kanyang military background at serbisyo sa People’s Liberation Army Air Force Aviation University.
Ayon kay Año, seryosong paglabag ito sa Philippine immigration laws at kahina-hinala ang presensya ng dayuhan sa Zambales, malapit sa mahahalagang military locations at humigit-kumulang 120 nautical miles mula sa Scarborough Shoal.
Sinabi rin niyang ang data na nakuha mula sa suspek ay naglalaman umano ng mga larawan ng paliparan at mga sistema ng lupa at tubig sa Zambales at kalapit na lugar.
Dinala na sa Maynila si Boldbaatar at kasalukuyang nakakulong sa BI warden facility habang hinihintay ang deportation proceedings. RNT/MND