MANILA, Philippines – Inaasahang ngayong araw, Pebrero 23 na haharap sa tanggapan ng Department of Justice si Senator Jinggoy Estrada upang maghain ng kanyang kontra-salaysay kaugnay sa reklamong plunder na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI).
Hindi lamang plunder ang kinakaharap na kaso ng senador kundi maging ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Direct Bribery receiving Gifts by Public Officers at Corruption of Public Officers.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa kontrobersyal na flood control projects ng gobyerno.
Sa nasabing reklamo, kapwa akusado ng senador ang dating mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Roberto Bernardo, Gerard P. Opulencia, at Henry Alcantara gayundin si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na nauna nang naghain ng kanilang counter-affidavit.
Una nang naglabas ng precautionary hold departure order ang Manila Regional Trial Court Branch 52 matapos makita ng korte ang probable cause at posibilidad na umalis ng bansa ang mga respondent upang makaiwas sa pag-aresto. Jocelyn Tabangcura-Domenden