Home NATIONWIDE ARBs at residente sa General Nakar makikinabang sa bagong tulay, FMR

ARBs at residente sa General Nakar makikinabang sa bagong tulay, FMR

127
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agrarian Reform (DAR) na mahigit 6,600 residente, kabilang ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), sa Barangay Umiray ang makikinabang sa mas ligtas na biyahe, mas mabilis na transportasyon ng ani, at mas magandang oportunidad sa kabuhayan sa pamamagitan ng ipapanukalang ₱75-milyong Idyang Bridge at concreting ng mahalagang farm-to-market road (FMR).

Sa loob ng maraming taon, nahirapan at nalagay sa panganib ang mga magsasaka at residente sa pagtawid sa ilog, lalo na tuwing tag-ulan, na nagiging sanhi ng pagkaantala sa pagdadala ng kanilang ani at limitadong access sa merkado, paaralan, at mahahalagang serbisyo.

Ayon sa DAR sa pamamagitan ng ipapanukalang 60-meter na tulay, magkakaroon sila ng mas ligtas at maaasahang daanan upang mas mapabilis ang pagdadala ng kanilang produkto at maprotektahan ang kanilang kaligtasan.

Pinangunahan ni DAR Regional Director Cupido Gerry D. Asuncion, kasama si Provincial Agrarian Reform Program Officer II Karolina Erika A. Buted, ang inspeksyon sa mga ipapanukalang proyekto at binigyang-diin ang malaking benepisyo nito sa mga magsasaka at komunidad.

“Malaki ang magiging epekto ng tulay na ito sa buhay ng ating mga magsasaka at residente. Mas magiging ligtas ang kanilang biyahe, mas madali nilang madadala ang kanilang ani sa merkado, at mas lalaki ang kanilang pagkakataon na mapataas ang kanilang kita,” ani Asuncion.

Kasabay nito, ang concreting ng 4.5-kilometrong Sitio Idyang–Lapdok–Campo FMR ay magpapadali rin sa transportasyon ng niyog, palay, saging, at root crops patungo sa mga karatig-bayan at maging sa mga lalawigan ng Aurora at Nueva Ecija.

Nabatid sa DAR sa mas maayos na kalsada at tulay, mababawasan ang gastos sa transportasyon, maiiwasan ang pagkasira ng ani, at mas marami pang merkado ang maaabot ng mga magsasaka—na magreresulta sa mas mataas na kita at mas matatag na kabuhayan.

Ang farm-to-market road project, na nagkakahalaga ng ₱67.5 milyon, ay susuporta sa 2,022 ektaryang saklaw ng agrarian reform areas at makikinabang hindi lamang ang mga ARB kundi ang buong komunidad. Mapapadali rin nito ang access sa edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at iba pang mahahalagang serbisyo.

Sa sandaling makumpleto, ang mga proyektong ito ay inaasahang magdudulot ng pangmatagalang benepisyo sa pamamagitan ng mas ligtas na biyahe, mas mataas na kita, at mas magandang kalidad ng buhay para sa mga magsasaka at buong komunidad. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here