Home NATIONWIDE P59.5M ismagel na sigarilyo nasamsam sa operasyon ng Navy, pulisya sa Zamboanga

P59.5M ismagel na sigarilyo nasamsam sa operasyon ng Navy, pulisya sa Zamboanga

136
0

MANILA, Philippines — Umaabot sa P59.5 milyong halaga ng ismagel na sigarilyo ang nasamsam ng awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon sa Zamboanga Peninsula at Basilan mula Pebrero 14 hanggang 21, ayon sa mga opisyal.

Sa kabuuang halaga, P55.7 milyon ang nasabat ng Western Mindanao Naval Command (WMNC) habang P3.8 milyon naman ang nasamsam ng pulisya.

Noong Pebrero 21, hinarang ng mga tauhan ng WMNC ang M/V Sarhana isang nautical mile timog ng Marungas Island, Sulu habang nagsasagawa ng maritime patrol.

Ayon kay Rear Admiral Constancio Arturo Reyes Jr., commander ng WMNC, lulan ng barko ang 600 master cases ng assorted smuggled cigarettes na nagmula sa Jolo, Sulu at patungong Dipolog City.

Tinatayang P34.6 milyon ang halaga ng naturang kargamento.

Sa hiwalay na operasyon sa parehong araw, nasabat din ang MB Fatimah Darsa malapit sa Little Sta. Cruz, Zamboanga City na may dalang 336 master cases at 45 reams ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P19.4 milyon.

Sa Basilan naman, nakumpiska ng pulisya ang 67 master cases ng ismagel na sigarilyo na nagkakahalaga ng P3.8 milyon sa Sitio Kayu Poteh, Barangay Maganda, Lamitan City.

Ayon kay Lt. Col. Elmer Solon, hepe ng Lamitan City Police, iniwan umano ng mga hindi pa nakikilalang indibidwal ang mga kahon ng sigarilyo nang maramdaman ang presensya ng awtoridad.

Samantala, noong Pebrero 14, naharang din ng WMNC ang M/B Aafiya Sheza sa karagatan ng Barangay Recodo, Zamboanga City na may sakay na 25 master cases ng imported cigarettes na nagkakahalaga ng P1.5 milyon.

Ang lahat ng nakumpiskang sigarilyo ay itinurn-over sa Bureau of Customs-Port of Zamboanga para sa tamang imbentaryo at disposisyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here