MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB) ang agarang slope stabilization sa isang sanitary landfill sa Rodriguez, Rizal matapos ang naganap na trash slide na nag-iwan ng tatlong katao na nawawala.
Inatasan ang landfill operator na Green Leap Solid Waste Management, Inc. na magsagawa ng leveling at sloping sa eroded area upang maiwasan ang karagdagang pagguho.
Kabilang sa mga direktiba ng ahensya ang pagsusumite ng detalyadong action plan at araw-araw na status report sa retrieval at rehabilitation activities, agarang waste compaction at daily soil covering, pagkontrol sa galaw ng heavy equipment, paghihigpit sa high-risk zones, at regular na inspeksyon sa lugar.
Nagpadala rin ang DENR ng team para magsagawa ng on-site investigation upang tukuyin ang lawak ng erosion at beripikahin ang ulat hinggil sa mga nawawala.
Ayon kay Rodriguez Mayor Ronnie Evangelista, tatlong katao ang iniulat na nawawala hanggang Linggo ng gabi.
Patuloy aniya ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa pribadong operator ng landfill upang matukoy ang kinaroroonan ng mga ito.
Nanawagan din siya sa DENR na magsagawa ng masusing imbestigasyon dahil isa umano itong usaping may pambansang kahalagahan.
Nilinaw naman ni Rizal Governor Nini Ynares na pribado ang pagmamay-ari at operasyon ng landfill at hindi ito saklaw ng pamamahala ng pamahalaang panlalawigan.
Sa liham kay Environment Secretary Raphael Lotilla, hiniling niya ang agarang imbestigasyon upang matukoy ang mga posibleng implikasyon sa kalikasan at kaligtasan ng publiko, kabilang ang anumang pinsala o pagkawala ng buhay.
Samantala, sinabi ng EMB na magsasagawa ito ng technical conference sa operator at maglalabas ng kaukulang notice of violation kung may matukoy na paglabag sa environmental compliance certificate. RNT/JGC