MANILA, Philippines – IBINUNYAG ng mga dating miyembro ng Philippine Marines na nag-deliver sila ng male-maletang para sa mga imbestigador ng international Criminal Court at ibinigay nila ito kay dating Senador Antonio Trillanes IV.
Sa press conference sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan kahapon, sinabi ng 18 dating Marines na nagsabing sila ay mga security officer na nakatalaga kay dating Congresssman Zaldy Co, na nag-deliver sila ng humigit-kumulang P805 bilyon sa ilang opisyal ng gobyerno, bagama’t hindi nila pinangalanan ang mga opisyal.
Sinabi rin nila na sinabihan silang magpapalit ng 2 milyong dolyar para sa mga imbestigador ng ICC at inihatid ito kay Trillanes.
Sinabi ng isa sa Marine na si Belnard Tube, noong Disyembre 2023 ay isa siya sa sumundo sa airport at nagsilbing security ng mga dayuhan sa utos sa kanila ni Zaldy Co at si Trillanes ang in-charge sa kanila.
Unang dumating sa bansa ang dalawang lalaki, sina Glen Kala at William Rosato, sumunod ang apat na babae, kinabibilangan ng ICC prosecutor na si Chantal Daniels.
Naglibot ang mga dayuhan sa Maynila at Quezon City para kausapin ang mga biktima umano ng EJK.
Sinamahan din nila ang mga dayuhan sa mga hotel at condominium ni CO para sa pakikipagpulong kay Trillanes at mga pamilya ng EJK victims.
Itinanggi naman ni Trillanes na tumanggap siya ng $2M mula sa Zaldy Co, at nangakong hahabulin ang mga nag-aakusa sa kanya.
Nangako rin si Trillanes na magsampa siya ng cyberlibel charges laban sa ilang personalidad na nagpakalat ng mga alegasyon sa social media.
Sa isang post sa X, itinanggi ni Trillanes ang mga alegasyon na tumanggap siya ng pera mula kay Co, para sa imbestigasyon ng ICC o anumang iba pang layunin.
Ito aniya ay isang pagtatangka na siraan ang patuloy na paglilitis ng ICC laban kay dating Pangulong Duterte.
Para sa kanya, ang mga paratang ay “hindi na bago” at inilarawan ito bilang isang “hayagang kasinungalingan.” RNT/NCT