MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agrarian Reform (DAR) na mas mapapalakas ang kakayahan ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Nueva Ecija na harapin ang epekto ng climate change matapos pormal na palawakin ng DAR ang mga ugnayan nito sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program (CRFPSP).
Kaugnay nito sa pamamagitan ng paglagda sa Memoranda of Agreement (MOA), pinagtibay ng DAR at ng mga agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs) ang kanilang pagtutulungan upang matulungan ang mga magsasaka na mapataas ang kanilang produksyon at maprotektahan ang kanilang kabuhayan laban sa matitinding kondisyon ng panahon, tumataas na gastos sa produksyon, at iba pang hamon sa agrikultura.
Alinsunod ito sa direktiba ni Agrarian Reform Secretary Conrado M. Estrella III na isulong ang climate-smart agriculture at tiyakin ang tuloy-tuloy na suporta sa mga magsasaka, lalo na sa mahahalagang food-producing provinces tulad ng Nueva Ecija.
Samantala, pinangunahan ni Provincial Agrarian Reform Program Officer II Eden B. Ponio ang aktibidad, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsasalin ng mga polisiya ng pamahalaan tungo sa konkretong tulong na direktang nararamdaman ng mga magsasaka.
Bago ang ceremonial signing, binigyan ng orientation ang mga ARBOs tungkol sa program guidelines, kanilang mga responsibilidad, at tamang paggamit at pangangalaga ng mga farm machineries and equipment (FMEs) na ipagkakaloob sa kanila. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng sama-samang pananagutan upang matiyak ang pangmatagalang benepisyo nito.
Sa ilalim ng Sustainable Livelihood Support for Disaster-Affected Areas component, pitong (7) ARBO ang makatatanggap ng maliliit na mga FME upang makatulong sa pagbangon mula sa pinsalang dulot ng kalamidad at mapanatili ang kanilang pang-araw-araw na operasyon sa bukid.
Kabilang dito ang Bantug Agriculture Multi-Purpose Cooperative, Alizar FST Multi-Purpose Cooperative, Lamorito Farmers Association Inc., Liberty Fishermen and Farmers Trading Corporations, Calabajuan Producers Cooperative, Indigenous People Agriculture Cooperative, at Singalat Producers Cooperative. Santi Celario