Ito ang reaksyon ng Malacañang sa naging pahayag ni dating presidential spokesperson Harry Roque na nais nang makipag-ayos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dapat ang iniisip ng kampo ni VP Sara ay magtrabaho bago ang pamumulitika.
“Kasinungalingan na naman! Dapat ang iniisip nila ngayon ay serbisyo muna bago pamumulitika,” ayon kay Castro.
Nauna rito, sa isang video post na ibinahagi ni Roque sa kaniyang Facebook page nitong Lunes, Pebrero 23, 2026, iginiit niyang isang confidential source daw ang nagsabi sa kanila ng naturang impormasyon.
“[Ayon sa] confidential source namin, gusto makipag-ayos ni Marcos Jr. kay VP Sara,” ani Roque.
Dagdag pa niya, “Siyempre, kilala ko na ’yang si VP Sara, tapos na. The train has left. Wala nang balikan ’yan.”
Ayon pa kay Roque, tanging ang pagkamit lamang ng katarungan ang nais ni VP Sara dahil sa sinapit ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakakulong sa pasilidad ng International Criminal Court (ICC).
Ang buweltang tugon ni Castro ay hindi dapat agad pinaniwalaan ni VP Sara ang “salon gossip” ni Roque at inakusahan si Roque na source ng “fake news.”
“Sa sagot na ito ng Bise Presidente na ayaw daw niyang makipag-ayos ay kitang-kita ang tunay niyang kulay,” ani Castro.
Aniya pa, nakatuon ang pansin ng Pangulo sa kanyang pamamahala.
“Ang Pangulo ay busy sa pagserbisyo sa bayan, hindi tulad ng iba na nangangampanya na ngayon pa lang,” aniya pa rin. Kris Jose