MANILA, Philippines – Hindi pa nakararating kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang panukala na ideklara ang Pebrero 25 ng bawat taon bilang regular holiday sa paggunita sa EDSA People Power Revolution.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na kapag nakarating na sa Pangulo ang bill ay agad nitong aaralin.
“Sa ngayon po ay hindi po sinasabi kung naibigay na po ang kopya na ito.. ang new version na ito,” ani Castro.
Nakasaad kasi sa House Bill 7911 na dapat na ideklara na regular holiday ang Pebrero 25 bilang paggunita sa payapang 1986 EDSA People Power Revolution na nagpatalsik kay Pangulong Ferdinand Marcos Sr., nabuwag ang diktadurya at naibalik ang demokrasya sa bansa.
Noong 2023, inilipat ni Pangulong Marcos ang February 25 special non-working day sa February 24 para umano sa holiday economics.
Sa mga sumunod na taon, hindi isinama ni Marcos ang February 25 bilang holiday, regular man o special.
Samantala, sinabi ni Castro na para sa Malakanyang ay mahalaga ang 1986 EDSA People Power Revolution dahil bahagi na ito ng kasaysayan ng Pilipinas.
‘Hindi na ito mabubura. Hindi mabubura kung ano ang naganap noon, ang katapangan ng mga filipino, ang pagtanggap sa pangyayari. Hindi po iyon mabubura sa history,” ang winika ni Castro. (KRIS JOSE)